[go: nahoru, domu]

Pumunta sa nilalaman

Kalusugang pampubliko

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Ang kalusugang pampubliko ay ang agham at sining ng pag-iwas at pagpigil sa mga karamdaman, pagpapahaba ng buhay, at pagtataguyod ng kalusugan sa pamamagitan ng itinatag na mga pagsusumikap at mga gawain at maalam na mga pagpili ng lipunan, mga samahan, publiko man o pribado, mga pamayanan at mga indibiduwal (1920, C.E.A. Winslow).[1] Samakatuwid, layunin ng kalusugang pampubliko ang matabanan o makuntrol at maiwasan ang pagkakaroon ng sakit at mapanatili ang kapaligirang malusog para sa lahat.[2] Tinatawag din itong kalusugang pangmadla, kalusugang pambalana, kalusugang pangmasa, o kalusugang pambayan. Nagbibigay-pansin ang kalusugang pampubliko sa mga banta sa pangkalahatang kalusugan ng isang pamayanan batay sa pagsusuri ng kalusugan ng populasyon. Ang tinutukoy na populasyon ay maaaring kasingliit ng isang mabibilang na dami ng mga tao o kasinglaki ng lahat ng mga naninirahan sa ilang mga kontinente (halimbawa na kaso ng pandemiko). Kalimitang nahahati ang kalusugang pampubliko sa epidemiyolohiya, biyoestadistika, at palingkurang pangkalusugan (serbisyong pangkalusugan). Mahahalagang kabahaging mga larangan din nito ang kalusugang pangkapaligiran, panlipunan, pang-ugali, at panghanapbuhay. May dalawang natatanging mga katangian ang kalusugang pampubliko:

  • Tumutuon ito sa pag-iwas sa halip na pagbibigay-lunas na aspeto ng kalusugan;
  • Tumutuon ito sa antas ng populasyon, sa halip na mga paksa ng kalusugan na nasa antas ng indibiduwal.

Kasaysayan

Nagsimula ang diwa ng kalusugang pampubliko mula sa sinaunang mga taong nagpahalaga sa kalinisan ng pamayanan. Sumusunod sa mga batas na pangkalinisan at pangkalusugan ang sinaunang mga Hudyo. Natuklasan ng sinaunang mga Griyego na may kaugnayan ang hanging sinasamsam ng katawan, ang tubig na iniinom ng bibig, at ang pook na pinaninirahan nila sa pagkakaroon ng mga karamdaman. Nagtatag ang sinaunang mga Romano ng mga sistema ng mga imburnal na nagtatanggal ng maruming tubig at mga dumi, at pati na mga sistema ng mga kanal ng tubig na nagdadala ng malinis at sariwang mga tubig sa mga lungsod at mga bayan.[2]

Mga lathalain

Sa Pilipinas

Ang Kalusugang Pampubliko sa Kolonyal na Maynila 1898-1918 na inakdaan ng manggagamot at historyador na si Ronaldo B. Mactal ang isa sa kauna-unahang pagtatangka na pagsama-samahin ang mga larangan ng heograpiya, medisina, at kasaysayan upang talakayin ang kalusugan sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano sa Pilipinas. Sinuri ni Mactal sa aklat na ito ang mga patakaran at programang pangkalusugan ng pamahalaang kolonyal ng Estados Unidos sa lungsod ng Maynila magmula 1898 hanggang 1918, kasama ang impluwensiya ng kapaligiran dito. Pinanindigan ng may-akda ang paniniwalang kinasangkapan ng mga kolonyalista ang kalusugan, lalo na sa lungsod ng Maynila upang mapangalagaan at mapasulong ng kanilang layunin sa pananakop sa Pilipinas.[3][4]

Mga sanggunian

  1. C.-E. A. Winslow, “The Untilled Fields of Public Health,” Science, n.s. 51 (1920), p. 23.
  2. 2.0 2.1 "Public health". The New Book of Knowledge (Ang Bagong Aklat ng Kaalaman), Grolier Incorporated. 1977.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), Bolyum para sa P, pahina 502.
  3. Kalusugang Pampubliko sa Kolonyal na Maynila 1898-1918 ni Dr. Ronaldo Mactal, uppress.com.ph
  4. Kalusugang Pampubliko sa Kolonyal na Maynila 1898-1918 ni Ronaldo B. Mactal, nationalbookstore.com